Paano mo sisimulan ang isang awit kung walang kataga? Paano mo ipaliliwanag ang ganda ng isang bagay kung walang liwanag? Ang halaga ba ng buhay ay saan nakasalalay? Sa nakikita, o sa nadarama? Paano mo susukatin ang kaligayahan at tagumpay?
Marami tayong hindi naiintindihan sa buhay ngunit kaya natin husgahan base sa kung ano ang idinidkta ng ating paningin. Madalas, mata ang gamit natin sa pagtimbang ng tama at mali, ng pangit at maganda.
- Sinusukat natin ang halaga ng iba sa kanilang bigat, hugis at porma.

Ngunit Paano naman ang halaga ng buhay? Paano mo titimbangin ang halaga nito? Isa ba itong bukang liwayway na nagbibigay liwanag sa sanlibutan o isang dapit-hapon na natatapos sa isang karimlan?
- Ang buhay…
Ang buhay ay masalimuot dahil ang ating pagtanaw dito ay nababalot ng takot. Takot na harapin ang mga hamon nito.
Minsan nalululong lang tayo sa pag iisip kung ano ang nasa likod ng pinto ng pagsubok, nag aatubili tayong pumasok. Takot na magkamali ang pusong marupok.
Natatakot tayo lakbayin ang hinaharap sa inaakalang wala tayong kalingang matatanggap.
Dahil marami sa atin nadarama lang ang halaga kapag may kasama. Takot mag isa. Takot na walang masandalan kapag ang katawan natin ay pagod na. Takot na walang makarinig sa ating mga hinaing,walang kamay na pupunas sa luhaan nating mga mata.
Marami sa atin ang takot humakbang at sumugal. Takot madapa at matumba. 
Takot lakbayin ang hamon ng buhay ng mag isa.
Nalilimutan natin ang katotohanan na ang buhay ay patuloy na iikot. Uusad. Gagalaw. Ang hindi sumakay ay maiiwan nakatingala, nagmamasid, patuloy na mag iisip sa misteryo ng hiyaw at halakhak ng mga sumasabay sa indayog ng buhay. 
Nakakalula ang katotohanan ngunit kailangan itong harapin. Hindi maitatawid ng takot ang anuman tagumpay dahil hihilahin ka nito sa bangin ng mga talunan. 
Matatanaw mo ang liwanag, kung imumulat mo ang iyong mga mata. Ngunit ang katapangan sa pagharap sa hamon ng buhay ay katulad ng paglanghap ng hangin, kailangan mong damhin. 
Ang halaga ng buhay ay wala sa taas na iyong kinatatayuan. O sa dami ng mga nakapaligid sa ‘yo.
Wala sa ningning o kislap ng liwanag na pinapangako ng tagumpay.
O sa dami ng salapi sa iyong kandungan.

Malaman mo na Ang halaga ng buhay ay nasa kakayanan mong humarap sa apoy ng pagsubok
At sa kakayahan sabayan ang lamig ng pagkabigo
Dahil iyon ang mga oras at sandali na maghahatid sa ‘yo ng tunay na aral ng buhay.
Na ang buhay ay isang paglalakbay . May kasama o wala, kailangan umusad. Kailangan lumaban. 
Minsan kailangan din sumugal. Minsan susubukan tayong ilagay sa alanganin ang buhay para mabuhay. 
At doon sisibol ang ating pagkatao. Ang halaga natin ay hindi kung ano tayo, kundi kung ano ang repleksyon na nakikita natin sa harap ng salamin, pagkatapos sumuong sa hamon ng buhay.
***All photos are taken from iPhone6s processed with VSCO with b preset
Click here for more of my #BNW photos
Or visit my #Bnw IG acct @witchblood





Leave a comment